Wala ako maisip na isulat nitong mga nakaraan, hindi ko alam kng bakit. Pero dahil wala akong ginagawa ngayon, nagmuni muni ako. Sa dinami dami ng mga elemento na nagpapahirap sa aking napaka simpleng buhay, hindi ko na-aapreciate ang mga nagpapadali sa aking araw araw. Mga iniisnab ko lang pero hindi ko napapansin ay napakalaki pala ng ambag sa aking pamumuhay. Alay ko ang post na ito sa mga yun. Ito ang...
Mga Bagay na Nagpapadali sa Buhay Ko
Oven Toaster - Dahil wala na akong oras magluto pag gabi at dahil nga tamad ako kahit meron man akong oras, isa lang ang inaasahan ko sa pagtutusta ng aking mga paboritong processed meat na hinding hindi mawawala sa aking hapunan. Ang hotdog at ham ay hindi maluluto sa pamamagitan lamang ng titig, pero dahil atat na atat akong manood ng dvd pag uwi ko gabi gabi, hindi ko na option ang pagbukas ng kalan at pag buhos ng mantika. Sa pamamagitan ng aking trusted na Oven Toaster, kaya kong manood habang nagluluto ng hotdog at ham, at magtoast ng tinapay. Kailangan ko lang gawin ay buksan ang pinto ng Oven Toaster, itambak ang mga lulutuin, pihitin ang knob, isara ang pinto, manood ng dvd, at hintayin ang makapigil hiningang ting! at jerengg! Handa na ang aking hapunan, mantika-free pa! Now that's what you call efficient!
Electric Tape - Sa buhay hindi maiiwasan ang sakuna, delubyo, giyera, suklam, ganid, poot, hinagpis, at sirang charger. Dahil sa hindi mapaliwanag na dahilan ay nasisira ang wire ng aking charger, natutuo akong kumilos at gumawa na paraan. Imbis na maglustay ako ng salapi sa mga original o class A na charger, mas minabuti ko nalang na kunin ang nail cutter at ang aking mabangis at madikit na electric tape. At hindi lamang yan, kung minsan ay malupit ang tadhana at pati ang audio/video jack ng dvd player ay nasisira, isa lang ang aking aasahan. Ngunit hindi lamang jan natatapos ang tulong na kayang ibigay ng electric tape, pwede din itong gamitin upang sarahan ang butas sa sirang backpack, idikit ang April Boy Regino poster sa pader, bawasan ang balahibo ni muning at takpan ang mabahong bibig ni Veni.
Escalator - Ito ang tanong ko sa'yo, papano kung sa iyong pamimili, napansin mo na ang medyas ay nasa 1st floor at ang brief ay nasa 4th floor? Ang kaso, kakabili mo lamang ng walong kilong buko. Ano ang gagawin mo? Siyempre isa lang, pupuntahan mo ang ating kaibigan, ang robot na hagdan, ang Escalator.
Hindi katulad ng hagdan na nastroke, at hindi katulad ng elevator na napupuno, makikisama ito kung ikaw ay nagmamadali o tinatamad, wala nang pindot pindot, makakarating at makakarating ka sa pupuntahan mo. Ang kagandahan pa nito, may mga mall na merong upuan sa ilalim ng escalator, so pwede ka pang tumambay dito pag pagod ka na. Subukan mong tumambay sa ilalim ng elevator. Kung ikaw man ay abutin ng closing sa pamimili, andiyan parin ang escalator, naghihintay na gamitin mo, hindi na nga lang umaandar, pero ang elevator napakasuplado pag naka off. Salamat escalator, mas useful ka pa kay Robocop!
Dan: Badtrip pare na late ako ng 30 minutes, bigla kasing huminto yung elevator eh, na stock ako.
Veni: Ako rin pare badtrip, late ako ng 2 oras, bigla kasing huminto yung escalator, na stock din ako.
Bendable Straw - Nung unang panahon, ang katapat ng uhaw mo ay isang mahabang plastic bag, isang mahabang straw, at isang bote ng coke. Pero kung minsan, hindi mo na kailangan ng straw, kailangan mo lang ng isang magandang buhol sa plastic, at matalim na ngipin na pambutas sa ibabang kanto ng plastic. Pero dahil nagbago na ang panahon, ang mahabang plastic ay naging matigas na plastic cup at isang matigas at masarap kagatin na straw. Minsan ay nadadala tayo ng sobrang uhaw, nakakalimutan natin na wala palang takip ang plastic cup, dahilan ito para bumuhos ang laman nito sa iyong damit kasabay ng malutong na mura, halakhak mula sa isang abnoy na kaibigan at ginaw na tanging yelo lamang ang makakapagbigay. Dahil dito, isang rocket scientist sa Harvard ang nag-imbento ng sagot sa nasabing problema, ang Bendable Straw. Ngayon ay hindi mo na kailangan pang mag mukhang tanga sa harap ng iyong mga kaibigan, ang kailangan mo lang gawin ay iyuko papalapit sa iyong bibig ang ibabaw na parte na straw at presto, no spill! Pero siyempre mas mabuti na kung merong takip yung plastic cup. Kung medyo praning ka naman, andiyan ang schizophrenic na kapatid ng Bendable Straw, ang Crazy Straw
Cinema Snack Tray - Naalala ko nung 2nd year highschool, tinamad ako pumasok, at pag ganun ang aking nararamdaman, isa lamang ang aking pinupuntahan, ang walang kamatayang Robinson's Galleria. So pag dating ko dun, agad akong pumunta sa sinehan para makita ko ang listahan ng mga now showing na palabas. Aba! Showing na pala ang Small Soldiers. Sa sobra atat, naisip ko na doon nalang ako kakain sa loob ng sinehan, so bumili ako ng Zinger meal sa KFC, siyempre Up-Sized lahat, at isang sakong ketchup. So sobrang enjoy ako sa panonood ng mga Action Figure na nagrarambulan habang nilalantakan ko ang burger at fries. Napakasaya ko ng lumabas ako ng sinehan dahil solb na ang mata ko, solb pa sikmura ko. Ngunit, habang naglalakad ako ay tinititigan ako ng mga nakakasalubong ko, nasip ko lamang ay WTF?! Dali-dali akong pumunta sa pinakamalapit na CR at pag harap ko sa salamin, OMG! Daig ko pa ang nakipag away kay Freddy Krueger sa dami ng dugo sa aking puting puting uniform. Siyempre hindi dugo kundi ang kalahati ng isang sakong ketchup na binitbit ko sa loob ng sinehan ang ngayon ay nakakalat sa damit ko.
Kaya laking pasalamat ko sa kung sino man ang nakaisip ng Cinema Snack Tray na ito, dahil sayo kaya ko ng bitbitin ang fries, burger, softdrinks at popcorn sa pamamagitan ng isang kamay. Kung pwede nga lang bitbitin ito pag namamasyal ako sa mall ay gagawin ko. Maraming maraming salamat kung sino ka man. *sob
Safety Pins / Pardible - Alam ng mga kapatid ko kung gaano ako kadependent sa pardible dahil ito ang inaasahan ko para makamit ko ang inaasahan kong tupi sa aking pantalon. Hindi lamang yan, kapag nasisira ang aking zipper, tanging pardible lamang ang maglalakas loob na humawak at siguraduhing hindi mahuhulog ang aking pantalon.
Bukod dito, gamit din ang pardible ng mga kabataang walang pambili ng hikaw, pangsabit sa mga "kontra-usogs" para sa mga munting sanggol, proteksiyon ng mga matatanda sa mga magnanakaw o pagkahulog ng coin purse, pangsikip ng mga maluluwag na skirts, pangdisplay ng chichirya at shampoo ng mga tindera, pangsecure ng lampin, pangsara ng sirang bag, pangtusok sa kaibigang lasing at natutulog, at marami pang "pang".
Naalala ko dati nung namasyal kami nila Veni sa Glorietta. Hiniram nya ang aking bag dahil nakalagay dun ang aking Hi-Tech Discman. Nang nangailangan gumamit si Veni ng payphone, binitbit nya ang aking bag. Pagtapos ng ilang minuto, bumalik siya ngunit ang hindi niya napansin, mero nang mahabang punit ang aking bag na malamang ay gawa ng isang kutsilyo o kung ano mang matalim na bagay, meron palang nagtangkang magnakaw ng aking Hi-Tech Discman, buti nalang hindi nakuwa yung Hi-Tech Discman ko kundi ay binigti ko si Veni dahil nga Hi-Tech yun. Dahil naastigan ako sa hiwa ng bag ko, hindi ko na naisipan pang itapon ito, sa halip ay bumili akong ng isang katutak na malalaking pardible, kinabit ang mga ito sa hiwa ng aking bag at presto! Instant design! Akala ng mga classmate ko nung college ay sadyang ganun ang aking bag, ngunit sinabi ko ay hindi. Tinanong nila ako bakit nagkaganun yung bag ko, ang sabi ko kasi pinanganak si Veni.
Maski ako ay madalas matusok, hinding hindi ko kakalimutan ang tulong na ibinigay sa akin ng aking mabangis na kaibigan, ang pardible! Kailangan kita pardible, ngunit mas kailangan ka nitong gunggong na to.
At dahil madami pa akong nakakalimutan, hindi dito natatapos ang aking pagpapasalamat sa mga unspoken hero na matatagpuan natin sa kung saan saan, kahit sa ilalim ng aking sirang zipper.
Tuesday, May 12, 2009
Mga Bagay na Nagpapadali sa Buhay ko
Bulalas ni Dan Yamat at 6:06 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment