Monday, April 20, 2009

Top Ten Ng Mga Bagay Na Nauso Nung Bata Ako

Nung panahon na wala pang Playstation, Cartoon Network, Friendster, Online Games at Cellphone, mababaw lang ang kaligayahan ng mga bata noon.

Hindi ko alam kung depende ba sa lugar mo kung ano ang uso dati, kaya hindi ako sigurado kung ano yung nauso sa inyo nung bata ka pa, pero malinaw parin sa isip ko kung ano yung uso nung bata ako kaya eto ay alay sa mga kabataan na nakalaro, nakasama at nakaaway ko dati.

Top Ten Ng Mga Bagay Na Nauso Nung Bata Ako

10. Palabunutan ng Sisiw - Kagaya ng mga elementary school noon at ngayon, maraming bagay ang masasaksihan mo sa labas pagka uwian na dati. Merong rentahan ng Game & Watch at Viewmaster. Andyan ang mga gumagawa ng green na kwintas na personalized, andyan ang nagtitinda ng umang, gagamba, at ng iba iba pang insekto, pero, isa lang ang umagaw sa pansin ng mga kaibigan ko, kapatid ko, at ako - ang palabunutan ng sisiw.

So ganito yun, bubunot ka ng maliit na kapiraso ng papel, pag binasa mo ang papel ay mey lalabas na hugis, yun ay kung suwertehin ka. Bale bago ka bumunot maglalagay ka muna nang piso sa tayaan kung ano ang gusto mong shape, pag nagtugma yung shape na tinayaan mo at nang nasa papel mo, panalo ka na at ang premyo sigurado ay isang sisiw, either ng manok (multi-colored), ng pato, or ang grand prize na sisiw ng pugo (makukuwa mo pag mas malaki ang halaga ng tinaya mo). Lagi kaming nananalo ng mga kapatid ko kaya andaming sisiw sa bahay, ang problema lang ay nakakalimutan namin kaya minsan pagbukas ng drawer namin, either makakita kame ng nagdedecompose ng corpse ng maliit na ibon, or skeleton nalang.

Minsan sinubukan naming mandugas para makuwa namin yung pugo. Ganito yung ginawa namin, bumunot kame ng papel, inuwi, binasa yung papel, bumalik, tinayaan yung lumabas na shape. Simple lang diba, pero nahuli ako kasi nanginginig ako, buti nalang mabilis ako tumakbo nung bata ako.

9. Rambbo - Wag kang mag-alala, hindi ako wrong spelling. Eto lang talaga yung pangalan ng tsinelas na nauso nung bata ako.

Makapal ang mga tsinelas na to, kulay itim ang katawan at pinaka common na kulay ng strap nito ay pula. Meron syang stripe na iba't ibang kulay sa gilid.

Ang dahilan ng kasikatan ng nasabing tsinelas ay ang abo't-kayang presyo nito at ang kapasidad nitong magpalipad ng lata sa tumbang preso.

8. Undercut - Ganito yun, iaangat ang buhok sa gilid ng ulo mo saka sasadsadin ng barbero ang buhok mo sa ilalim nito. Pagkatapos ng gupitan ay pwede mo nang ibagsak ang buhok mo pero merong surprise pag inangat mu ito uli, jereng!! Ito ang UNDERCUT! Ang sadsad na buhok sa ilalim ng ibabaw na buhok na kadalasan ay nakahati sa gitna.

Ang labanan sa aming mga lalaki nun ay pataasan ng sadsad, mas mataas, mas pogi. kapag itinali or hineadband mo naman ang buhok mu, wow, gwapong gwapo ang pakiramdam mo sa malinis na gilid ng buhok mo, bale eto ang modern ng version ng mullet, kasi two in one ang ichura ng buhok mo.

7. Takeshi's Castle - Hindi ito yung kei Joey De Leon, bale ito yung unang Takeshi's Castle na pinalabas dito sa Pinas, kung natatandaan nyo pa, sila Anjo Yllana at Smokey Manaloto ang host pa nun at mey kasama pa silang midget na hindi ko maalala kung ano ang pangalan.

Ang pinagkaiba ng luma at bago, yung luma, makikita mo talaga yung game chaka mga contestants from start to finish, wala silang mga parlor games unlike yung kila Joey, focused talaga dun sa japanese game show.

Masaya yung luma talaga, kumpara sa ngayon so astig kung magkakaron sana ng reruns.

6. Gagamba Wrestling - Nung wala pa sila John Cena, Batista, Tito Ortiz, Chuck Lidell at ang mga mababangis makipaglaban ngayon, ang mga sikat noon ay ang mga gagamba. Mey talahib, ekis, kuryente at kung ano ano pang mga uri ng gagamba ang pinaghihirapang hulihin at ikulong sa kahon ng posporo.

Ganito ang procedure: kukuwa sila ng mahaba pero manipis na stick, ilalagay ang dalawang magkalaban na gagamba. Kung sino ang unang maging meryenda syempre yun ang talo.



Malaki ang kita ng nagtitinda ng gagamba sa tapat ng elementary school namin dahil halos lahat ng mga batang lalaki hindi na kumakain at nalilipasan na ng gutom para makabili lang ng gagamba.

5. Universal Motion Dancers - Or UMD. Sila ang grupo ng mga kalalakihan na mgagaling sumayaw. Madami silang pinausong sayaw at steps pero ang pinakatumatak sa alaala ng mga kabataan noon ay ang tinatawag na " The Butterfly Dance" sa saliw ng tugtuging "Always" ng Erasure.

Well sadyang hindi ako marunong sumayaw, at sadyang matigas ang katawan ko sa naaliw nalang ako noon sa mga kaklase ko na non-stop pag sinasayaw ang butterfly. Mahirap sayawin ito dahil kailangan mo ng katawan na mas malambot pa sa basang pandesal kaya nakakamangha pag nakakita ka ng nakamaster ng nasabing sayaw.

Nung panahon na nauso ang UMD, bigla ding nagsulputan ang mga dance groups na naggaling sa kung saan saan, so halos lahat ng kalye merong dalawa hanggang apat ng grupo tapos kada fiesta ay merong mga contest. Meron ding mga "showdown" sa kalsada na ginaganap pag gabi, at ang props na kailangan lang ay kutson ng kama, malakas na stereo at makapal na apog.

Pero.. Sadyang matigas ang katawan ko.

Para sa mga hindi nakakaalam ng "The Butterfly Dance", hindi ito miyembro ng UMD pero kuwang kuwa niya ang sayaw.



4. Ghost Fighter - "RAYGUN!!" Ito ang imortal na panira ni Eugene sa palabas ng Ghost Fighter. Isa itong anime at Yu Yu Hakusho ang original na title nito. Una itong pinalabas nung grade 6 ako sa ibc 13, pero hindi ito masyadong nag click nung una hindi katulad ng Dragon Ball Z pero nung kinuwa ito ng channel 7 sobrang ganda ng advertisement na ginawa nila kaya halos lahat na ng tao tumutok dito. Naalala ko pa nung kakwentuhan ko tungkol dito yung teacher ko sa Filipino nung 1st year ako, nagulat ako dahil matandang babae na sya pero kilig na kilig sya kina Eugene at Jenny na hindi nya na napansin kung gaano ka bayolente ang anime na ito.

Marami ang naadik at hanggang ngayon ay meron itong parang cult followers.



3. Nintendo Family Computer - Sino ba naman ang hindi nakakaalam sa Family Computer. Lahat ata ng kabataan noon ay nakapag laro ng Pacman, Super Mario Bros, Donkey Kong, Digdug, Battle City, 1942, Contra, Bomber Man, Galaga at Load Runner.

Dalawang version nito ang sumikat sa Pinas, una yung mey mic sa controller, tapos yung isa yung mey turbo version ng A and B buttons. Madaming klase ng cartridges or "tapes", merong single game, merong multiplayer at syempre, ang "in-1". Nagkaron pa nga kame dati ng 3,000,000-in-1.

Isa ata ang kuya kong si loki sa mga pinakamagaling maglaro ng family computer dati, pano tinatapos nun yung Mario 3 ng walang patay chaka walang cheat kaya hanggang ngayon adik yun sa playstation. Ako naman, ang pinaka gusto kong laro sa family computer ay Contra kaso siyempre ginagawa ko yung Konami trick (up, up, down, down, left, right, left, right, b, a, b, a, start) bago ko ma beat yung laro. Nalaman ko din na hindi lang pala ako sa pagsayaw walang talent, pati rin pala sa video games dahil hindi ko nabeabeat ang high score ng kapatid kong babae.

Nung bata ako merong rentahan ng family computer, bale 5 pesos per half an hour yun. Meron din laruan na piso per life so pag magaling ka talaga, mababaon sa utang sa meralco yung mey ari.

Kung magrereklamo ka at magtatanong kung bakit walang Atari dito sa listahan, ito ay dahil hindi ko naabutan yung hayday ng Atari, at hindi pa ako ganun katanda.

Nagsearch pala ako nung nakaraan sa mga online shopping websites at naghanap ako ng family computer (yung original red ang cream ah, kasi madami nang gawa gawa lang ngayon). So nakakita ako ng mga lumang consoles pero ang family computer ang pinakamahal, mas mahal pa sa Atari. Sana pala tinabi ko yung set namin dati..

Basta wag mu lang kalimutang hipan yung tape pag hindi umandar.

2. Brick Game - Hand held gaming device, bale ito ang anak ng tetris, dahil iisa lang ang game play nila, ang pinagkaiba lang ay mei kulay ang tetris, ito ay plain black ang white lang.
Hindi ko na ieexplain kung pa'no ito laruin dahil engot lang ang hindi nakakaalam.

Hindi ko sigurado kung pa'no ito nagsimula at pa'no ito nagboom. Ang natatandaan ko lang ay nagdala nito ang classmate ko sa classroom nung elementary at siyempre nag-agawan sa paghiram ang kameng mga kaklase. Hanggang sa eventually nagkaron na kame ng brickgaming hour sa school, dahil ang brick game daw ay exercise sa iyong IQ or baka dahil tinatamad lang ang teacher. Nung panahon na yun, pag ang dala mo ay Gameboy, ikaw ang hari, pero since napakamahal ng Gameboy dati, hindi siya naging fad.

Bukod sa Tetris-like na game play, meron ding bonus ang ibang Brick Game units, ito ay mga iba pang laro gaya ng Snake, Tank, Boxing, at reverse tetris (galing sa baba ang mga blocks, instead na sa taas).

Mas lamang ito sa Family Computer dahil ang Brick Game ay kinaadikan hindi lamang ng mga bata kundi pati nang matatanda, napakadaling bitbitin at daan daang unit nito ang nakita ko nung pasko na uso pa ito.

And finally.. Ang number one na nauso nung bata pa ako ay walang iba kundi ang...

1. Teks - Hindi lang basta basta trading cards ang sinasabi ko, ito ay mga cards na merong drawing ng mga eksena sa pelikula. Kadalasan distorted ang istorya nito kumpara sa mismong pelikula pero hindi naman ito ang dahilan ng pagka adik ng mga bata dito.

Ang teks noon ang unang engkwentro ng bata sa pagsusugal, pero hindi pera ang itinataya kundi teks din (ngunit minsan ang taya ay pera, ito ang tinatawag na Teks Money).
Sa pamamagitan ng iba't ibang uri ng paghagis sa mga maliliit na barahang ito malalaman kung ikaw ay talo o panalo, dehado o llamado. Kadalasan ay tatlong baraha ang gigamit sa paglalaro, ang mga ito ay ang pamato mo, pamato ng kalaban, at ang panabla (minsan ay ang pamato ng ikatlong manlalaro).

Ito ang mga lenggwahe o mga terms na ginagamit sa naturang laro:

Tsa o tsaya- Pag ang baraha ay nakatihaya.
Tsub o tsayub - Pag ang baraha ay nakataob.
Tagilid - Pag ang baraha ay naka uhm.. tagilid. Pag ito ay nangyari, hindi malalaman kung tsa o tsub kaya papaikutin uli ang baraha.
Akeyn - Isinisigaw ng manglalaro pagnananalo o pag kumpiyansa na siya ang mananalo.
Pati - Ito ay tumutukoy sa pag taya ng lahat natitirang baraha ng isang manlalaro.
Pati Pamato't Panabla - Kagaya ng Pati ngunit kasama na sa taya ang pamato at panabla.
Dangkal - Ito isang sukat gamit ang kamay para malaman kung gano kadami ang itataya.

*Meron akong mga nakalimutan na term, yung tungkol sa pagtaya kung gano kadami ang natitirang teks ng kalaban.

Iba-iba ang paraan ng pagtira, ang una ay ang simpleng paghagis ng teks sa pamamagitan ng pag-ipit ng mga baraha sa hintuturo at hinlalaki, ihahagis ito ng vertical ng mey konting pitik sa wrist para bumilis ang ikot ng mga teks. At ang pangalawa ay ang paghiga ng mga teks sa nakabalikong hintuturo at pag pitik ng hinlalaki pataas. Ito ay nakakagawa ng diagonal na pag-ikot ng mga teks. Meron din ang Flying Saucer kung saan imomodify lang ang unang paraan at gagawin itong horizontal.

Natatapos ang laro kapag naubos na ang teks ng mga kalaban, na kadalasan ay manghihingi ng balato at ilalaban ito sa mga tanga tangang mga manlalaro, gugulangan at lalaban uli sa hiningian niya ng balato sa pag-asang makukuwa nya uli ang dati niyang teks. Ang naipong teks ay kadalasang nilalagay sa plastic bag o sa kahon ng sapatos.

Mabangis at madugo ang labanan ng teks kaya ito ang number one, kadalasan ay dumadayo pa ang mga manlalaro at minsan pag sabado o linggo ay mei designated na lugar kung saan magkikita ang mga mahuhusay na manlalaro at maglalaban laban hanggang sa isa nalang ang matira at hanggang sa sunduin sila ng magulang nila at pauwiin habang hinanampas ng alpombra ang kanilang hita at pwet.

Naaliw din ako dito ngunit kadalasan ay nauubos ang pera ko sa pagbili ng teks kaya maaga akong nag-retire.

So ito ang mga bagay bagay na nakagisnan at kinaaliwan ko at ng mga kaedad ko nung kami ay mga bata palang, sana nag-enjoy ka at sana kahit papano ay nakiliti ko ang iyong alala nung simple pa lang ang buhay at napaka babaw palang ng kaligayahan ng mga batang katulad ko.. noon..

0 comments:

 
Blogger design by suckmylolly.com