Hindi ko nilista ito sa Top Ten Ng Mga Bagay Na Nauso Nung Bata Ako dahil hindi naman nito ka-league yung mga nakalagay sa listahan na yun, dahil iba ang kalibre nito sa dahilan na ito ang kauna unahan sa paghubog, pagturo at paginpluwensya ng mga kabataan noon. Ito ang imortal na programang pang bata. Ang Batibot.Ito ang programa na ginawa para sa kapakanan ng mga batang Pilipino. Ito lang ang tanging programa na nagturo kung ano ang tinapang bangus, sa anong bitamina mayaman ang bagong aning pechay, kung ano ang halaga ng mga kapitbahay nyo at marami pang iba. Puno ito ng mga kaalaman tungkol sa history ng Pilipinas, ang luma at bagong alpabetong Pilipino, paggalang sa nakakatanda at iba ibang bagay na dapat mong matutunan para maging isang tunay na Pilipino ang isang bata.
Pero asan na sila Kuya Bodjie, Ate Shena, Pong Pagong, at Kiko Matsing. Ano ang dahilan ng pagkawala ng Batibot? Dahil ba nawala na sa uso ang tema ng palabas na ito? Dahil ba mas pinili na ng mga magulang at mga kabataan ang mga Western na programa kagaya ng Teletubbies, Blue's Clues at Barnie and Friends dahil sa tingin nila ay mas educational ito at mahalaga na matuto ng english ang mga bata ngayon?
Kauna unahang opening song ng Batibot 1984
1997 ang taon ng tanggalin sa ere ang Batibot. Napilitan ang PCTV (Philippine Children's Television Foundation, Inc.) na itigil ang palabas dahil narin sa mabilis na pagkawala ng mga manonood ng Batibot dahil sa kasikatan ng mga cable networks kagaya ng Cartoon Network at Nickelodeon. Pagkatapos ng isang taon, nagbalik ang Batibot gamit ang bagong titulo, Batang Batibot pero sa pagkakataong ito, talagang mahina na ang palabas, dahil sa parehong dahilan at dahil na rin sa pagkawala ng dalawang characters, sila Pong Pagong at Kiko Matsing.
Pero bakit nga ba nawala sila Pong Pagong at Kiko Matsing?
Alam mo ba na bukod sa PCTV, isa pa sa mga producers ng Batibot ay ang CTW (Children's Television Workshop), ito ang organization na gumawa ng Sesame Street kaya hindi pwedeng sabihin na rip-off lang ng Sesame Street ang Batibot dahil iisa lang ang gumawa ng dalawang palabas, sa katunayan nito, ang unang title ng Batibot ay Sesame!. Ang gustong mangyari ng PCTV ay makagawa ng programa na hindi lamang nagtuturo sa mga kabataan, kundi pati narin malaman ng mga bata ang importansya ng kultura at kasaysayan ng Pilipinas. 1989 ng bitawan ng CTW ang pagproduce at mag-isa itong hinawakan ng ng PCTV. 1996 ng inutos ng CTW ang pagpapaalis nila Pong Pagong at Kiko Matsing sa Batibot dahil sila ang mei hawak ng lisensiya ng dalawang characters. Ito ang isa sa pinakadahilan sa unti unting pagbagsak ng Batibot.
Nakapang hinayang diba? Para sa akin mas mahusay pa ang Batibot kesa sa mga Western children's shows dahil ito ay ginawa para lamang sa batang Pilipino ngunit sadyang napakalakas na ng impluwensiya ng Western culture sa Pilipinas na umabot na ito sa punto na unti-unting nang kinalimutan na ng mga Pilipino ang mga bagay na nagturo sa kanila kung papano maging isang tunay na Pinoy, isa dito ang Batibot. Pero maswerte ako at ang mga kabataan noon dahil nagkaron kame ng isang programa na nagmalasakit sa kapakanan namin bilang isang bata at isang Pinoy, kaya ako, hanggang sa mamatay ako, isa akong Batang Batibot.
Oo nga pala, ang ibig sabihin ng Batibot ay "maliit, ngunit malakas at masigla".
Monday, April 27, 2009
Sundan Natin Ang Ngiti Ng Araw
Bulalas ni Dan Yamat at 2:22 PM
Labels: batibot, children, kiko matsing, pang pagong, sesame
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment